Tubbataha… hahah!

Kung may dalawang bagay na pinanghihinayangan ako… ito ay ang mga sumusunod:

1. Gumastos ako ng mahigit P16,000 para sa boxing lessons na hindi ko naman naipagpatuloy.
2. Gumastos ako ng mahigit P14,000 sa driving lessons na puwede ko namang makuha nang libre.

P16,000 + P14,000 = P30,000

Trenta mil pesos! Kung pinang-enroll ko na lang ‘to sa swimming lessons, may pambili pa ako ng kulay pink na two-piece na Speedo.

At malamang sa hindi, may lisensya na rin akong mag-dive.

Dive… dive… ito ang “in” ngayong summer sa News and Public Affairs.

Iilan na rin sa mga istorya ko nitong nakaraang mga buwan ang kinakailangang sisirin… literally… at ang highlight sa mga ito ay ang summer underwater special ng NP&A… Tubbataha Reef.

Hindi na mabilang ang mga papuri’t papugay na narinig ko tungkol sa lugar na ito, at sa totoo lang, kahit pa floating lang ang napeperpekto kong “da moves” sa tubig, pinangarap ko ring makarating sa Divers’ Paradise na ito.

Bihira lang kasi ang nakakapunta rito… nang libre.

Bukod sa libo-libong dolyar ang kailangan mo para makasakay sa mga yateng bumibiyahe rito… may P3,000 pa na maintenance fee sa Tubbataha management… mula Pebrero hanggang Mayo rin lang ang makataong panahon na puwede kang pumunta rito.

At nangyari nga… ang lugar na nangangailangan pa ng isang taong reservation, mapupuntahan ko sa loob lang ng isang araw.

Dumating ang balita habang nasa coverage pa ako sa Abra. Relyebo ako sa producer na nag-backout.

Mainit-init pa ang segment na “iniluwal” ko sa Kapuso Mo, Jessica Soho nang lumipad kami papuntang Palawan.

Mahigit sampung oras ang biyahe mula Puerto Princesa hanggang Cagayancillo, Palawan. Excited ako kasi first time kong makakatrabaho sina Miriam Quiambao at Doc Ferds ng Born to be Wild.

Pero mas excited ako dahil mararanasan ko na ring magtampisaw sa isang World Heritage Site… Sosyal di ba?

‘Pag may nagtanong kung saan ako na-sunburn… taas-noo kong sasabihin: “Sa Tubbataha…”

At kahit lumulundo ang bilbil ko… nagdala ako ng two-piece… ‘yung hot pink.

Sa sobrang pagod ko… plastado ako kaagad sa bangka. Pagkagising ko noong sumunod na araw… nasa Tubbataha na raw kami… napanganga ako, hindi sa pagkamangha kungdi sa pagtataka… puro kasi dagat at ulap ang nakikita ko.

Wala namang signboard o façade sa paligid… paano kaya nalaman ng mga kasama ko na nasa Tubbataha na kami?

Itinuro sa akin nung underwater cameraman namin ‘yung GPS o Global Positioning System device na nakasabit sa aming bangka.

Ah, I see…

Naniwala na akong nasa Tubbataha na kami kaya sinuot ko na ang hot pink na two-piece ko sa ilalim ng aking pink na t-shirt.

Malakas ang alon at nakamamatay ang current para sa mga tulad kong walang kaalam-alam sa paglangoy… pero umasa pa rin akong makakapag-snorkel man lang sa mga oras na nasa ilalim ng dagat ang mga host ko at ang kanilang mga buddy diver.

Pero malupit ang tadhana… bawal mag-snorkel ang non-divers sa kalagitnaan ng Tubbataha. Maliban na lang siguro kung balak kong mag-floating hanggang Vietnam.

Nagpaduyan na lang ako sa mga alon at nagpalalim ng tan line sa katig ng aming bangka.

Nagkasya na rin lang ako sa mga kuwento at video na uwi ng mga host ko. Para silang hayskul na kinikilig sa tuwing umaahon dahil sa ganda raw ng mga nakita nila sa ilalim ng dagat.

Hindi ko alam kung blessing in disguise na nasira ang isa pa naming underwater camera, hindi na kasi nakapag-dive ang isa pa naming cameraman… marunong si Papa Jesus at binigyan niya ako ng makakasamang magpahilo sa bangka.

Pero hindi lang naman puro dagat at ulap ang nakita ko sa “view.” Awa ng diyos, pumunta rin kami sa kaisa-isang isla na puwedeng tuntungan ng sibilisasyon… ang Rangers’ Station. Dito nakatira ang mga marine rangers… mga tagapagbantay ng Tubbataha Reef.

White sand dito… mala-salamin ang tubig at may pawikan na pagala-gala sa paligid… dito, tuluyan ko nang nagamit ang aking hot pink na two piece… sa hanggang baywang na lalim ng tubig.

Sabihin niyo nang weird pero experience talaga ang pagpunta ko sa Tubbataha… na-experience ko na ang pakiramdam ng taong binigyan ng pagkasarap-sarap na tsokolate… pero wala siyang ibang magawa kungdi amuyin lang ito.

Sobrang ganda ng Tubbataha at sa video ko lang siya “naranasan.” Ok lang dahil may bragging rights ako. Wala nga lang ako masyadong litrato para patunayan ito… nag-batt empty kasi ‘yung telepono ko. Namatay na siya nang tuluyan pagdating ko sa Rangers’ Station… kung saan bawal nag-charge dahil limitado lang ang kuryente mula sa solar panels.

Kung may bagay na pinanghihinayangan ako, ito ay ang trenta mil na nilustay ko noon.

Pramis, bago sumapit ang susunod na summer… magsu-swimming lesson na talaga ako.

Para sa mas maraming kuwento tungkol sa aming underwater special… click niyo lang ito.

4 Tugon to “Tubbataha… hahah!”

  1. kengkay Says:

    asan ang picture ng naka hot pink ka? yun ang pang heritage site 😀 gusto ko rin pumunta dyan kaso mo wa ako balak mag aral mag diving, ni snorkeling nga lang tamad pa ako e.

    darating ang panahon, ipopost ko rin yan dito, te keng… lol!

  2. kurokuro Says:

    haha. natawa ko sa pang-heritage. parang ang ancient na ng katawan mo. hehehehe.

    shet. u.

  3. libay Says:

    thank you for providing the SISID link.

    you’re welcome.

  4. Lyzius Says:

    waw naman at diving kung diving ito… ako hindi marunong lumangoy kahit taga isla ako…

    ‘yun nga lang… hindi rin ako nakapag-dive… 😦

Mag-iwan ng tugon sa kurokuro Pindutin ito para bawiin ang tugon.